Pagpupuri ng Psalmista sa Kabutihan ng Diyos (Awit 34:1-10)
Awit 34
1 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin; pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Purihin ang Panginoon sa kanyang Salita.
Kung ating titingnan ang mga nangyayari sa mundo, tayo ay nakakaranas ng crisis, pandemya at iba't ibang problema. May tendency na tayo at nakakaramdam din ng takot dahil marami ang namamatay sanhi ng Covid 19. Marami rin ang nangangamba dahil sa pang financial na pangangailangan at kakainin sa araw-araw para lang maka survive.
Sa Psalmo na ating nabasa, ipinapakita rito ang pagpupuri ng Psalmista sa Kabutihan ng Diyos.
Makikita sa verses 1-3; ipinahayag ng Psalmista ang pagsamba at pagpuri para sa Diyos sa kabila man ng nararanasang pagsubok at kahirapan. Inaalagaan ng Diyos ang kanyang mga anak sa kabila man ng pagdurusa at sa lahat ng oras hindi mapigilang magpuri dahil sa kabutihan ng Diyos. Makikita rin natin na sa pananabik ni David, ang sumulat ng salmo na ito, ay hindi niya mapigilan ang kanyang sarili, na nagpatotoo tungkol sa kadakilaan, kabutihan ng Diyos at sinabi talaga niya sa mga tagapakinig, "Ang kadakilaan niya ay ihayag at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
Sa verses 4-5 naman tumawag siya sa Diyos, at dahil sa grasya ng Diyos sinagot ang kanyang mga panalangin. Sa puntong ito, nalalaman natin na ang salmo ay isang panalangin ng pagpapasalamat. Kung kayo po ay aking tatanungin, Ano ang inyong kinakatakutan ngayon? Mayroon ba kayong takot sa inyong puso? Sigurado akong lahat tayo ay tiyak na mayroon. Subalit, kailangan po nating ibigay ang mga takot at pangamba sa Panginoon. Ang ating mga panalangin ay dinidinig ng Diyos at tiyak na aalisin ng Diyos ang ating mga takot o pangamba. At sigurado, kapag pinanghahawakan natin ang mga pangako ng Diyos, ginagarantiyahan niya na hindi tayo kailanman mapapahiya o mabibigo.
Ang verses 6-7 nagpapaalala sa atin na si David ay may kamangha-manghang pakikipag-ugnayan sa Diyos sa halos buong buhay niya. Kung kaya idineklara niya ang mga papuri sa Diyos. Mga kapatid, dalangin ko na sa kabila man po ng mga nararanasan natin ngayon na pandemya naway patuloy pa rin po tayong kumapit sa Diyos na tanging pag-asa natin. At nang sa gayon, tayo po ay makapagpatotoo sa iba na nangangailangan ng pampatibay-loob tungkol sa kung gaano Kalaki, kung gaano katapat at kung gaano kabuti ang Diyos sa lahat ng bagay, sa ating pansamantalang buhay rito sa lupa. Tanging sa Diyos natin masusumpungan ang lahat kung kaya tayo po ay lubos na magpasalamat sa Diyos dahil ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak na si HesuKristo. Gaya ng nakasaad sa Juan 3:16, Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak na si HesuKristo, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sa Efeso 2:8-9 Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa ating sarili; hindi ito bunga ng ating mga gawa kaya't wala tayong maipagmamalaki.
At sa verses 8-10 naman, Kung tayo po ay nagtitiwala sa Panginoon, tayo ay pinagpala sa lahat ng tao. Ipagkatiwala po natin ang lahat sa Panginoon. Huwag po tayong mag-atubili na lumapit sa kanya. Panghawakan po natin ang kanyang mga pangako at makikita po natin na ang Panginoon ay mabuti! At ito ang isa sa kanyang mga pangako na nagpapatunay na ibibigay ang lahat nang mabuti para sa atin. Sabi nga sa Mateo 6:33,“Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Higit sa lahat ay bigyang halaga ninyo ang kaharian ng Diyos at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito."
Mga kapatid, alalahanin po natin na sa kabila man ng nararanasan natin na pandemya o iba't ibang suliranin tayo ay magalak at magpasalamat sa Diyos, dahil narito po tayo sama-samang nagpupuri sa kanya. At ito po ang patotoo sa patuloy na pagpapala at katapatan ng Diyos sa ating buhay. Iniingatan at sinusustain po tayo ng Diyos. Ang Diyos na pinakamataas. Ang Diyos na Dakila. Ang Diyos na Banal. Ang Diyos na Mabuti.
Kaya ang nararapat na tugon natin sa Diyos ay ang magpuri at sumamba sa kanya. At patuloy na maranasan ang katapatan at kabutihan ng Diyos sa atin. Ibalik po natin sa Diyos ang lahat, ang pinakamataas na papuri, pagsamba at pasasalamat.
So, mga kapatid tayo po ay tumayo, magpuri at umawit para sa Panginoon. ππ
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento