Lahat tayo ay dumadaan/nakakaranas ng iba’t ibang pagsubok sa buhay. Kadalasa’y mga pagsubok na hindi natin inaasahan. Mga pagsubok na halos gusto mo ng bumitaw dahil sa sunod-sunod na pagsulpot nito. Mga suliranin na tila wala ng solusyon. Subalit, nalalagpasan natin ang mga ito sa kabila ng mga hirap at pasakit na napagdaanan. Ganito ang karanasan ng salmista sa salmong ating binasa.
Sa verses 1-2 sinabi niya na sa Panginoon lamang nanggagaling ang saklolo. Ang sabi ng Psalmista, ”Tumingin ako sa bundok, at natanong kung saan nanggaling ang aking saklolo?” Saan nga ba nagmumula ang saklolo? Yan ang katanungan na ang tugon ay sa Dios lamang .Kaya’t dapat umasa sa Panginoon lamang at ipahayag sa Kanya na kailangan natin ng tulong , ito man ay agaran o sa hinaharap. Ang salmista sa awit na ito ay may katiyakan sapagkat inilagak niya ang pagtitiwala sa Panginoon. Hindi siya nag-aalala, dahil alam niya kung saan siya hihingi ng saklolo sa oras ng pangangailangan . Tanging sa Panginoon lamang na ating Manlilikha. At katulad ng sabi sa Awit 146:5,6 “Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob, at ang kanyang tiwala ay nakatuon sa Panginoon niyang Dios, na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito. Ang Panginoon ay nananatiling tapat magpakailanman.”
Sa verses 3-4 ipinaparating din sa atin ng Salmista na ang Panginoon ay hindi natutulog. Opo, ang Panginoon ay naglalaan ng walang humpay na pagbabantay sa mga tapat sa kanya. Sinasabi sa verse 3 na habang ang mga tao ay lumalakad sa Jerusalem, ang kanilang hakbang ay mahalaga at nakikita ng Panginoon ang kanilang patutunguhan. Gaya rin ng sinasabi sa Psalmo 46:1 na “ ang Panginoon ang ating kanlungan at kalakasan. Pinakahandang saklolo sa oras ng kagipitan. Dahil ang Diyos ang ating sandigan at proteksyon sa lahat ng oras, sa araw man at sa gabi.”
Kaya ganun na lamang ang malalim na pagtitiwala ng salmista, sapagkat alam niya na ang Panginoon ay mananatili ang pag-iingat sa kanyang mga anak sa lahat ng sakuna o pagsubok.
Sa verses 7-8 sinabi din ng Salmista na ang Dios lamang ang mag-iingat sa atin. Ang pag-iingat ay sa Diyos lamang masusumpungan at tayo ay may katiyakan na sa lahat ng oras at sa magpakailanman na mananatili sa atin. Ito rin ang sinasabi sa Awit 91:3-4, “Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot. Iingatan ka Niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga sisiw sa lilim ng kanyang pakpak. Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.” Pinapaalala sa atin na ang Panginoon ang magbabantay sa kanyang mga anak sa kanilang paglalakbay, sa pansamantalang buhay rito sa lupa.
Purihin natin ang Panginoon sapagkat:
- Sa Kanya lamang nanggagaling ang saklolo
- Siya na ating tagapag-ingat ay hindi natutulog
- Siya ang mag-iingat sa atin, sa lahat ng oras at panahon
Kaya’t tayong lahat ay tumayo, magalak, at magpuri sa Dios!
����}�� � �
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento